

Si Mang Pepe ay isang basurero sa aming komunidad. Araw-araw, maaga siyang gumigising upang maglinis ng lansangan. Bitbit niya ang kanyang walis, dustpan, at sako ng basura. Habang naglalakad, nakangiti siyang bumabati sa mga tao.
“Magandang umaga mga bata!” bati ni Mang Pepe.
“Magandang umaga rin po, Mang Pepe!” sagot ng mga bata.

Masipag si Mang Pepe. Hindi siya nagrereklamo kahit mainit o maulan. Nililinis niya ang paligid upang maging maayos at maganda ang aming komunidad.
"Ingat po Mang Pepe," sabi ni Juan sabay abot ng tubig.
"Salamat,Juan " wika ni Mang Pepe.

Tinuturuan din niya ang mga bata kung paano magtapon ng basura sa tamang lalagyan.
“Mga bata, itapon natin ang basura sa basurahan para maging malinis ang ating barangay,” sabi ni Mang Pepe.
“Opo, Mang Pepe!” sabay-sabay na sagot ng mga bata.
Dahil sa kanyang kasipagan, natutong maging responsable ang mga tao sa aming lugar.

Isang araw, ginawaran si Mang Pepe ng parangal bilang
“Pinakamasipag na Tagalinis ng Komunidad.” Masaya siya dahil nakita niyang malinis at maganda na ang kanilang barangay.
“Salamat sa inyo! Basta’t nagtutulungan tayo, magiging malinis ang ating paligid,” sabi ni Mang Pepe.
Mula noon, mas lalo siyang nagsikap at nagsilbing huwaran sa lahat.